Gender and Development Article

GABAY-TURO: Gabay “Online”, isinagawa ng DepEd Cabuyao City

ni Michael O. Pantaleon, SEPS-HRDS

Nagsagawa ng isang programang naglalayong magbigay ng gabay online para sa mga magulang, mga guro at mga mag-aaral ang DepEd Cabuyao City noong Oktubre 14, 2020 mula alas 2:00 hanggang alas 5:30 ng hapon sa pamamagitan ng DepEd Tayo Cabuyao City Facebook Live. Ito ay bahagi ng programang GREAT CABS – Gender Responsive Educational Approaches and Trends of DepEd Cabuyao City na layuning mapayabong ang pagpapatupad ng mga programa at gawaing may kinalaman sa Gender and Development sa dibisyon.

Binigyang linaw ni Genaldo C. Dagsindal, LPT, RPm – guro ng Luis C. Obial Senior High School, Paete, Laguna at nina Atty. Jerica Clara S. Machado – Legal Officer III, at Arvie Celeste M. Rubio – Education Program Specialist II ng DepEd Cabuyao City ang mga usapin sa Psychosocial and Mental Health, Child Protection Policy, at Positive Discipline sa aktuwal na panayam sa kanila ng mga tagapagpadaloy ng programa na sina Michael O. Pantaleon, Senior Education Program Specialist at Nikki Crystel A. Elic, isang guro sa Cabuyao Integrated National High School, City of Cabuyao, Laguna.

Kasama rin sa programa ang mensahe ng pagganyak at pasasalamat ni Dr. Neil G. Angeles, Assistant School Division Superintendent sa mga magulang, guro at mag-aaral na bahagi ng mga manonood.  Tinuran niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pamilya at pagbibigay proteksyon dito, gayundin ang usaping kalusugan ng kaisipan at tamang disiplina sa mga anak. Binigyan niya ng diin ang pagnanais ng Kagawaran ng Edukasyon na makitang ligtas ang mga bata at tinatamasa ang masayang buhay sa bawat pamilya; at masusing paggabay sa mga magulang at guro hinggil sa pagpapatupad ng mga programa ng Kagawaran.

Ang GABAY-TURO ay kakaiba sa mga webinar na napapanood dahil ito ay nilapatan ng ibat ibang bahagi tulad ng panayam sa tagapagsalita, mensahe ng opisyal ng dibisyon at malayang tanungan ng mga manonood; at impormal na talakayan. Ang usapin sa unang episode na ito ay sumentro sa mga karanasan ng mga magulang, guro at mag-aaral sa unang linggo ng pasukan. Ito ay regular na mapapanood online tuwing Miyerkules sa katulad na oras.

 

Sabay-sabay na ipinakita ng mga tagapagsalita at tagapagpadaloy ng DepEd Cabuyao City GABAY-TURO ang hugis puso bilang pagsuporta sa pagsulong ng isang ligtas na pamilya sa panahon ng pandemya. “Isang puso tayo para sa mga batang Cabuyeno!”

Loading